The Chaos Behind Peace (Scarce Series #16)

 


The Chaos Behind Peace (Scarce Series #16)

By: Iwaswiththestars

Genre: Romance, Slice of Life

Tags: Painful love, High school, poverty, romance-comedy,

slice of life

Language: Tagalog

Status: Completed!


Blurb:

Ang tanging pangarap lang naman ni Serene Faith Alcantara ay mabigyan ng masaya at mapayapang buhay ang kan’yang pamilya. Para magawa iyon, kailangan niyang mag-aral nang mabuti at tiisin ang pangungutya sa kan’ya ng kanilang ka-baryo na hindi naniniwala na matutupad niya ang pangarap niya. Ginawa naman niya ang lahat, at nagtagumpay siya, pero nang mawala ang dahilan kung bakit patuloy siyang nagsisikap, parang bigla na lang gumuho ang mundo niya.

She did her best to cope up with the world, because time won’t stop even if she’s hurting. She may look at peace but there’s chaos at the bottom of her heart. Will her ex-lover, Angelo Jacob Hernandez, will be able to meddle with the chaos inside her? Or he will cause another kind of pain for her?

KABANATA 1:


NOONG WALONG TAONG gulang pa lang si Serene, masyado pa siyang bata para maintindihan ang lahat. Ang sabi sa kan’ya ng ama, dapat ay paglalaro lang ang nasa isip niya dahil iyon ang naaayon sa edad niya.

Pero, paano naman niya iyon gagawin kung sa araw-araw ay nakikita niyang mayroon itong pasa sa pisngi, o kaya naman ay pinagdidiskitahan doon sa kanto kapag lumalabas ito ng bahay?

‘Hindi naman ganoon ang laro ng matatanda. Ginagawa nila iyon dahil mahirap lang kami,’ ani Serene sa isip.

Sa murang edad ay alam niya na kaagad iyon.

“Itay, bakit po palagi na lang nila tayong inaaway?” tanong ng bata sa kan’yang ama habang inaayos nito ang mga gamit na dadalhin ni Felix, ang kan’yang ama, kapag nangisda na siya mamayang madaling araw. “Wala naman po tayong ginagawang masama sa kanila.”

Mangingisda ang tatay ni Serene, habang katulong at labandera naman ang ina nito, pero sa ngayon ay kinailangan muna niyang tumigil dahil kapapanganak lang niya sa kapatid nitong si Joseph. Todo-kayod tuloy ngayon ang itay niya, habang si Serene naman ay todo-suporta rin sa pagtulong sa kan’ya.

Ito lang naman ang kaya niyang gawin sa ngayon. Wala namang magbibigay ng trabaho sa isang batang katulad niya. Mismong ang sariling ama ay ayaw siyang patulungin sa pangingisda dahil baka raw ay mapahamak ito.

“Hindi nila tayo inaaway, anak,” maikli naman niyang sagot ni Felix bago nito inayos ang mga lambat. Siya naman ay doon sa bimpo at iilang inumin ng ama. “Huwag mo na ‘yon pansinin,” dagdag niya pang saad bago ginulo nang bahagya ang buhok ng batang babae.

Ngumiwi na lang si Serene bago ipinagpatuloy ang kan’yang ginagawa. Kailangan kasi ay mabilis silang kumilos. Dapat mauna si Felix mangisda para mas marami rin ang mabenta niya. Kakaiba kasi ang baryo nila sa Kawit, Cavite. Imbes na magtulungan, naghihilahan silang lahat pababa.

May maihihila pa ba sa amin pababa kung nandito na kami sa pinakailalim ng bangin?

“Hindi po ba pang-aaway ang pananakit nila sa iyo?”

Lumapit si Serene kay Felix at hinawakan ang kamay nitong punong-puno ng mga sugat at peklat. Nang tumingala ito para tingnan ang mukha ni Felix ay napangiwi na lang din ito. Mayroon din kasing iilang galos at bagong sugat doon.

Alam niya kung saan ito nakuha ng ama. Malamang ay doon na naman iyon sa mga lalaking tadtad ng maraming tattoo na palagi siyang pinagt-trip-an.

“Itay…” muling pagtawag ni Serene, pero hindi ito sumagot at nanatili lang na nakatitig sa kan’ya.

Kitang-kita ang pagbabago ng ekspresiyon niya dahil sa tinanong nito. Ang kaninang nakangiti na mga labi ay bilang namutla, at ang kaninang masaya niyang mga mata ay napalitan na ng pagdadalamhati at kalungkutan.

“Patawad, Serene…”

Nagulat ang batang babae nang bahagya dahil bigla siyang binuhat ng ama. Napakapit ito sa leeg ni Felix sa takot na baka mahulog siya. Matangkad kasi ang ama, kaya pakiramdam ni Serene, kapag buhat siya nito ay para siyang nasa isang mataas na gusali.

Alam naman niya na matindi ang pagkakakapit ng ama at hindi siya nito hahayaang mahulog. Ganoon kalaki ang tiwala ni Serene sa ama.

“Matulog ka na,” ani Felix sa isang seryosong tono. “Huwag kang magmadaling lumaki. Maging masaya ka muna sa pagkabata mo,” dagdag niya pa bago ibinaba ulit si Serene sa sahig at itinuro ‘yong papag sa gilid kung saan ay nakahiga ang ina at si Clea, ang isa niya pang kapatid na apat na taon pa lamang.

Tumango na lang ang batang babae. Paminsan-minsan ay naiinggit ito roon sa mga ka-baryo niya dahil masaya silang naglalaro, habang siya… ito na kaagad ang responsibilidad na nakapatong sa kan’yang balikat.

Ang responsibilidad na maiahon ang pamilya niya sa kahirapan.

ALAS-SAIS na ng umaga nang magising si Serene. Napasarap ang tulog nito dahil alam niyang walang pasok. Linggo kasi ngayon kaya puwede siyang magpahinga.

Nag-unat muna ito ng katawan bago tuluyang tumayo. Salamat sa Diyos dahil grade three na siya pagpasok sa eskuwelahan bukas. Mahirap man pagsabayin ang pag-aaral at pag-aasikaso, pero ito ang isa sa mga paraang nakikita niya para kahit papaano ay makaahon sila sa kahirapan.

Ang pag-aaral niya.

Kaya naman ipagpapatuloy niya ito kahit hadlang pa ang mga magulang sa kan’yang pangarap.

Pagkatapos no’n ay naghanda na siya ng pagkain. Kakaunting lugaw lang ito at hindi rin sigurado si Serene kung kakasya ba ito sa kanilang lahat, pero kung hindi siguro siya kakain ngayon ay mapapakain niyang ang ibang matitira kay Clea. Ang ilang sabaw naman ng sinaing kanina ay inilagay niya sa ibang lalagyan para naman kay Joseph.

Narinig kasi niya sa ama na kailangang bayaran ang kumadronang nagpaanak sa ina. Marami na naman ang bayarin kaya matindi rin ang paghihigpit nilang lahat ng sinturon.

“Inay, kumain na po muna kayo.”

Lumapit siya sa ina at ibinigay ang isang mangkok ng lugaw na hawak nito. Hindi naman sumagot ang ina niya bago kinuha sa kamay ni Serene ang lugaw. Tahimik lang itong kumain at noong napansin na nandoon pa rin ang batang babae sa kan’yang harapan ay sinamaan niya ito ng tingin. Napalunok tuloy si Serene ng laway dahil sa takot.

‘Mukhang masama na naman ang timpla ng mood ni ina,’ ani Serene sa isip.

Medyo sanay naman na siya sa ganito, kaya naman ay tumayo na lang siya at hinugasan ang pinaglutuan ng lugaw. Mas nauna niya pang hugasan ang kaldero kaysa ang maghilamos ng mukha. Matapos no’n ay si Clea at Joseph naman ang pinakain niya.

Medyo namimilipit ang tiyan ni Serene sa gutom kaya ay napangiwi siya nang bahagya. Hihintayin na lang niya ang kan’yang ama. Sigurado kasing may dala itong ulam mamaya.

Minsan ay napapatingin si Serene sa ina dahil nakikita niya itong pasulyap-sulyap sa kan’ya, pero kapag tinitingnan niya ito pabalik ay kaagad naman din itong umiiwas ng tingin. Hindi na lang siya nagreklamo dahil wala naman siyang magagawa kung ganito pa ang buhay niya sa ngayon.

Sa mga katulad nilang mahihirap, ang tanging pagpipilian lang nila ay lumaban… kahit hindi na nila kaya.

“ANG SAKIT,” mahinang daing ni Serene habang ibinababad sa tubig-dagat ang paso roon sa kaliwa nitong braso.

Hindi niyang kasi sinasadyang madikit ‘yon sa kaldero habang niluluto ‘yong lugaw kanina. Kanina pa ang paso niya pero naramdaman niya lang ang sakit noong tapos na siya mag-asikaso.

Sabi kasi ng ama, nakakapagpagaling daw ang tubig-alat sa mga sugat kaya naman tinitiis na lang niya ang hapdi. Hindi na siya nag-abala pang bumili ng gamot para sa isang sugat na kaya naman niyang tiisin. Mabuti na lang din ay malapit lang ang bahay-kubo nila rito sa dagat kaya naman ay iniwan na muna niya roon ang ina at mga kapatid.

Ayon sa kanilang ka-baranggay, bawal daw tumira rito sa may dagat dahil mabilis umangat ang tubig at baka malagay sa alanganin ang buhay nila, pero wala naman silang pupuntahan kung aalis man sila rito. Dalawa lang naman kasi ang pagpipilian nila kung sakali. Ang mamatay sa gutom, sa kalsada, o kaya naman ay sa ilalim ng tulay.

“Aray!” Biglang inalis ni Serene ang kan’yang braso sa dagat nang hindi na nito kayanin ang sakit.

‘Siguro naman ay okay na ito,’ isip ni Serene bago ito bumalik sa loob ng kubo dahil aasikasuhin pa nito si joseph. Nakita niyang mayroong kausap ang ina niya kaya naman ay mabilis lang siyang bumati sa mga ito bago pumasok sa loob ng kubo. Tiningnan lang siya noong lalaking kausap ng inang si Demi at hindi siya pinansin.

At ngayon, hindi na niya alam kung ano ang gagawin dahil kanina pa umiiyak ang bunsong kapatid. Pinakain naman na niya ito, sinubukang patulugin, at hinele na rin, pero ayaw talaga nitong tumigil.

Ito ang mahirap sa mga sanggol. Marami kasing kahulugan ang pag-iyak ng isang bata. Puwedeng maganda, puwede ring hindi. Pero sa paraan ng pag-iyak ngayon ni Joseph, mukhang may iniinda itong sakit.

“H‘wag ka nang umiyak. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Naiiyak na rin ako…” mahinang tugon ni Serene kay Joseph na mas lumakas pa ang palahaw dahil sa sinabi niya. Sinubukan niya pakalmahin ang sarili ngunit hindi siya nagtagumpay.

Aligaga na siya at hindi alam kung ano ang gagawin. Naisip niyang tawagin na lang ang ina sa labas dahil baka mapatahan nito si Joseph. Akmang tatayo na sana si Serene, pero kaagad itong napatigil nang biglang sumigaw ang lalaking kausap ni ina.

“P.utangina naman, Demi! Ilang buwan na ‘yang sinasabi n’yo palagi na magbabayad na kayo!” Rinig sa buong bahay ang sigaw ng isang lalaki. “Nasaan ba si Felix?! Siya dapat ang kausap ko at hindi ikaw!”

Mas lalong lumakas ang iyak ni Joseph noong narinig n’ya ang lakas ng sigaw mula sa labas ng kanilang kubo. Maging si Clea na naglalaro lang kanina sa gilid ay nagsimula na ring umiyak. 

Lumakas din ang kabog ng puso ni Serene dahil sa sigaw na iyon na para bang pinagbabantaan ang buhay nila, pero kung pati siya ay iiyak din, sino ang magpapatahan sa kan’yang mga kapatid? Mas lalo lang din silang iiyak kapag naging mahina siya.

Ano ba ang nangyayari sa labas?

Tumayo si Serene saglit upang silipin ang nangyayari. Mukha kasing may kaaway ang ina. Hindi pa naman maganda ang kalagayan nito ngayon at bukod pa roon, wala pa sa bahay ang kanilang ama.

Pumunta siya at bahagyang nagtago roon sa may bintana pero kaagad din itong napaatras at napasinghap nang makita ang isang lalaki na napakaraming tattoo sa katawan, may hawak na itak habang masama ang tingin kay inay.

Ito ‘yong lalaking laging nananakit sa kan’yang ama. Nakilala niya ito dahil sa tattoo nito sa braso na kanina ay hindi niya napansin.

Kaagad na nanayo ang mga balahibo ni Serene. Sa itsura ng lalaki, mukhang handa itong pumatay ano mang oras kapag hindi nito nakuha ang kan’yang gusto.

Itay, umuwi ka na… Nanganganib kami rito.

“Demi, ito ang pakakatandaan mo, ha? Madali akong kausap, pero mainipin ako!” nanggigil ang tono ng boses nito. “Sa oras na hindi pa kayo magbayad ng utang n’yo, gigilitan ko kayong lahat ng buhay!”

Pagkatapos no’n, isang malakas na pagtaga ang narinig sa buong paligid, dahilan para mapasigaw si Serene nang malakas habang hawak-hawak nito ang bibig gamit ang magkabila niyang kamay.

KABANATA 2:


HALOS MANLAMIG SI Serene nang sumilip ito muli roon sa bintana. Akala ni Serene ay ang kan’yang ina ang tinaga ng lalaki pero ‘yong kahoy lang pala sa tabi nito ang pinatamaan niya ng itak. Hindi nito malaman kung ano ba ang dapat niyang maramdaman.

Masaya siya dahil walang nangyari sa kan’yang ina pero parang tumatambol pa rin ang kan’yang ina. Halos manlambot ang mga tuhod ni Demi dahil doon sa nangyari, at ganoon na rin ang sa kan’ya.

Kahit na noong nakaalis na ‘yong lalaking may tattoo ay hindi pa rin nakatayo ang ina nang maayos kaya naman ay tumakbo si Serene palabas ng kubo at sinubukang lapitan si Demi.

“Inay—”

Akmang hahawakan sana ni Serene ang braso nito pero kaagad na inalis iyon ni Demi. Muntik pa ngang matumba si Serene dahil doon. Halatang nagulat din si Demi sa kan’yang ginawa pero maya maya lang ay naging matapang ulit ang ekspresiyon ng mukha nito.

“Umalis ka nga!” ani Demi sa isang iritadong tono. “Nakakabuwisit na buhay ‘to!”

Iyon ang huli niyang sinabi bago ito naglakad palayo. Susundan sana ni Serene ito pero narinig niya mula sa loob ng bahay ang palahaw ni Clea at Joseph. Wala na itong nagawa kung hindi ang tingnan ang ina mula sa malayo, pumasok sa bahay upang patahanin ang dalawang kapatid na mukhang natakot din dahil sa pangyayari, at hintaying makauwi ang ama niya.

Hindi rin naman nagtagal ay natanaw na niya ang ama na naglalakad papalapit sa kanilang kubo. Dali-dali itong tumakbo papalapit sa ama at nagpabuhat dito. Natawa na lang si Felix bago niya binuhat ang anak gamit ang kaliwang braso nito, habang may dala naman siyang supot sa kan’yang kanang kamay.

Ganoon kagaan si Serene kaya naman ay kaya siyang buhatin ng ama kahit isang kamay lang.

Nang mapadako ang tingin ni Serene sa mukha ng ama ay napakunot ang noo ko. May panibago kasing sugat dito, iba pa bago ito umalis para mangisda. Dumudugo pa nang kaunti ang sugat sa noo nito kaya naman ay hinawakan niya ang sugat nito, dahilan upang mapangiwi si Felix.

“Inaway ka na naman nila, itay?” nagtatakang tanong ni Serene. Itinagilid niya pa ang kan’yang nang kaunti na para bang nagtataka.

“Hindi, anak,” pagsisinungaling nito. “Nadapa lang ako sa daan.”

Tumawa nang peke si Felix upang hindi na magtanong ang anak, ngunit alam naman niya na hindi iyon paniniwalaan ni Serene. Matured na itong mag-isip para sa edad niya.

Hindi alam ni Felix na hindi lang ang pananakit ng iba nilang ka-baryo ang nasaksihan ni Serene, dahil nasaksihan na rin niya ang pagbabanta ng Lorenzo na iyon sa ina niya kani-kanina lang. Unti-unti na tuloy iniisip ni Serene kung ipinanganak lang ba sila para saktan ng ibang tao.

Ibinaba ng ama si Serene sa buhanginan bago ito muling nagsalita. “Ayos lang ang itay. Tingnan mo. Nakangiti ako. Ibig sabihin ay ayos lang ako.”

Yumuko si Felix upang ipakita sa anak ang peke niyang ngiti. Sa totoo lang ay sinugod siya ni Lorenzo bago siya umuwi, ang isa sa pinagkakautangan niya nang malaki.

Kung mayroon lamang siyang ibang pagpipilian ay hinding-hindi siya mangungutang kay Lorenzo. Alam niya kung gaano kahalang ang kaluluwa ng taong iyon. Pagdating sa pera ay handa itong gawin ang lahat, kahit pa ang pumatay ng tao.

Ngunit, wala siyang magawa kung hindi ang mangutang. Kailangan niyang bayaran ang kumadronang nagpaanak sa kan’yang asawa. Bilang haligi ng tahanan ay kailangan niyang gumawa ng paraan upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya niya.

Sa mga panahon na iyon, naalala niya kung ano ang nangyari kanina.

“P.utangina mo!”

Isang suntok sa sikmura ang sumalubong kay Felix habang naglalakad sa daan. Kamuntikan nang malaglag ang dala-dala niyang tawilis at isang kilong bigas dahil sa gulat at sakit na naramdaman, ngunit mabuti na lamang ay nahawakan niya iyon nang mahigpit gamit ang kanang kamay niya. Hindi niya iyon puwedeng bitiwan dahil iyon na ang magiging pagkain nila sa buong araw.

“Pa-pasensiya na—“

Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang muli siyang sinuntok ni Lorenzo, diretso na sa mukha nito. Sinamantala nito ang pagkakayuko ni Felix. Maliit lamang kasi si Lorenzo kung ikukumpara sa kan’ya kaya hindi siya nito maaabot ng suntok kung hindi siya yuyuko. 

Ganoon pa man, kakaiba ang taglay na lakas nito.

Nag-uumigting din ang panga nito at lumalabas na rin ang mga masel nito na mas mukha pang naging nakakatakot dahil sa mga tattoo nito.

Hindi na nakontrol ni Felix ang kan’yang balanse at tuluyan na siyang napaupo sa sahig. Hawak pa rin niya nang mahigpit ang itim na supot. Hindi ito maaaring marumihan. ‘Yon lang ang tumatakbo sa kan’yang isip.

“Ano’ng gagawin ko sa sorry mo? Mababayaran ba niyan ang lahat ng pinagkakautangan ko ngayon? T.angina mo, magbayad ka ng p.utanginang utang mo!”

Iniluhod ni Lorenzo sa semento ang kaliwang tuhod niya upang makwelyuhan si Felix at masuntok ulit. Paulit-ulit niyang ginawa iyon, hanggang sa nagsimulang umagos ang dugo sa kaliwang bahagi ng noo niya dahil nahiwa ito ng tulis sa pilak na singsing ni Lorenzo.

Nang makita iyon ni Lorenzo ay tinulak siya nito at tumayo. Pinagpagan niya saglit ang kaliwang tuhod bago ito yumuko at muling kinuwelyuhan si Felix. Gusto man niyang lumaban pero hindi niya magawa. Hindi niya iyon puwedeng gawin dahil malaki ang pagkakautang niya kay Lorenzo.

“Tandaan mo ito. Isang linggo na lang ang ibibigay kong palugit sa iyo, at kapag hindi ka tumupad sa usapan ay gigilitan kita nang buhay, at ipinapangako ko sa ‘yo,” inilapit niya ang bibig sa kaliwang tainga ni Felix, “na susunod din sa’yo sa langit o impiyerno ang pamilya mo...”

“Itay?”

Biglang napatigil si Felix sa pag-iisip nang magsalita si Serene. Napakurap siya bago tumingin sa anak.

Kinuha ni Serene ang dala-dala niyang supot bago nagsalita. “Magpahinga po muna kayo mamaya itay, ha? Mukhang pagod po kayo.”

Pagod na ako, anak.

Iyon ang gusto niyang sabihin pero hindi niya na ginawa. Mabuti na lang din at tumakbo na si Serene papasok sa kubo nila kaya naman ay nakahinga na siya nang maluwag. Sa totoo lang ay wala siyang ibang masabi sa kasipagan at kabaitan nito. 

Madalas nga ay sinisisi niya ang sarili dahil hindi man lang niya mabigyan ng magandang buhay ang kan’yang pamilya.

Sinubukan niyang mag-aral pero wala rin namang nangyari. Ganoon pa rin naman ang buhay nila, kaya hindi siya naniniwala na pag-aaral ang susi sa kinabukasan.

Ginawa naman niya ang lahat, pero ang mundo mismo ang lalo pang naglulugmok sa kanila.

“T.angina naman, Felix!” Umalingawngaw ang sigaw ni Demi sa buong kuwarto. “Hindi mo ba naisip na maraming scammer ngayon sa Pilipinas? Paano tayo aahon nito ngayon? Lintik naman, eh! Mahirap na nga tayo, mas lalo mo pang pinapahirapan ang buhay natin!”

Tuliro na si Demi habang tumutulo ang kan’yang luha, pero doble no’n ang nararamdaman ni Felix. Hindi niya alam na na-scam pala siya noong sinabi ng kan’yang kaibigan na dadalhin siya nito sa abroad kapag nagbayad siya ng malaking halaga. 

Hindi siya lumaki sa Maynila kaya hindi niya alam ang ganoong kalakaran. Hindi niya alam na niloloko lang pala siya ng itinuring niyang kaibigan.

“Pasensiya na, mahal—"

“Hindi ko kailangan ng sorry mo, Felix! Ibalik mo ang pera natin!”

Hinawakan ng lumuluhang si Demi ang magkabilang braso ng asawa bago ito inalog. Pakiramdam niya ay nanghihina na siya dahil sa nangyari.

“Ipinangutang mo pa talaga iyan. Bakit kasi hindi ka nagsasabi sa akin? Bakit hindi mo man lang ako kinonsulta?” nanghihina niyang saad.

Hindi iyon sinabi ni Felix sa asawa dahil gusto niya sana itong surpresahin. Gusto niyang bigyan ng magandang buhay si Demi at ang anak nilang si Serene na apat na taon pa lang sa mga panahong iyon… pero kasawian lang pala ang dulot sa kanila ng ginawa niyang ‘yon.


Napapikit na lang si Felix nang maalala ang lahat ng iyon. Dati silang nakatira sa Maynila dahil napag-ipunan nila ni Demi ang bahay doon, ngunit kinailangan din nilang ibenta ‘yon kaagad para mabayaran ang isang daang libong ipinangutang ni Felix sa isang bumbay. 

Iyon din ang dahilan kung bakit sila napadpad sa Kawit, at kung bakit maging pagbili man lang ng bahay sa probinsya ay hindi rin nila magawa.

Hindi rin niya masisi si Demi kung bakit ito nagalit sa kan’ya. Kasalanan niya rin naman talaga ang lahat. Maging ang asawa na dapat ay kasama niya sa hirap at ginhawa ay hindi niya pinagsabihan tungkol sa kan’yang mga plano.

At hanggang ngayon, hindi pa rin sila makaahon sa bangin na kanilang pinagbagsakan. Ang mas masakit pa roon, nadadamay sa paghihirap ang kanilang mga anak.

“Itay!” rinig niyang tawag ni Serene habang naglalakad ito papalapit sa kan’ya. “Hindi pa po ba kayo papasok? Kanina pa po kayo nakatayo riyan,” dagdag pang saad ng anak habang nakatagilid ang ulo nito, tila ay nagtataka.

“Puwede na ba akong maging estatwa, anak?” Natawa si Felix bago ipinaghiwalay ang dalawang paa. Pumorma pa ito na parang sundalo para patawanin ang anak, pero nagulat siya dahil mariin itong umiling.

“Hindi po puwede, itay! Mawawalan ako ng ama kapag naging estatwa ka!”

Sa sinabing iyon ni Serene ay napahagalpak na lang siya nang malakas. Tila ay nawala ang sakit na nararamdaman niya dahil sa mga sugat nito, at sa pagod na rin dahil sa malupit na mundo. Isang ngiti lang ni Serene ay payapa na ulit ang pakiramdam niya. Binuhat na lang niya ulit ang anak bago naglakad pabalik sa kubo upang makakain na rin silang pamilya.

Mabilis na nag-asikaso si Serene. Ipinainom niya ang sabaw ng sinaing kay Joseph, at pinakain naman niya ulit ng lugaw si Clea. Matapos no’n ay doon pa lang niya niluto ang tawilis na dala ng ama, at iyon pa lang din ang unang kain niya sa buong araw.

Patawad.

Iyan ang tanging tumatakbo sa isip ni Felix habang tinititigan ang anak. Halata kasi sa bawat kilos nito ang gutom. Sa bawat pagsubo nito ng kanin ay para bang hindi ito nakakain sa loob ng matagal na panahon.

Kumirot ang puso ni Felix pero kinailangan niya iyon labanan. Umupo siya sa sahig para sana magpahinga, pero napatigil siya dahil sa nakita nito sa ilalim ng banig.

KABANATA 3:


NANDILIM ang paningin ni Felix sa mga librong nakita niya sa ilalim ng banig. Hindi niya alam kung bakit nandoon pa rin ang mga librong ginamit ni Serene noon sa kan’yang pag-aaral. Itinapon na niya ito noon, dahil napag-usapan na nila ni Demi na patitigilin na nila si Serene sa pag-aaral.

Marunong na siyang magsulat at magbasa. Hindi na niya kailangang tumuloy pa.

“Serene,” pagtawag niya sa anak nang matapos na itong maghugas. “Ano ito?” dagdag niyang tanong bago ipinakita ang mga libro na nakatago pa roon sa ilalim ng banig.

Napasinghap ang batang babae sa kaba nang makita ang ekspresiyon ng mukha ng ama habang mahigpit ang pagkakahawak nito sa libro. Mukha itong galit, at mukhang sesermunan din siya nito ano mang oras. Naghahanap lang siya ng tiyempo para magsabi sa mga magulang na papasok siya sa eskuwelahan, pero ito nga at nakita pa ng ama niya ang pinakaitinatago niya.

“Mag-aaral po ako, itay…” Yumuko siya pagkasabi no’n habang pinaglalaruan ang kan’yang mga daliri.

Napakunot ang noo ni Felix sa sinabing iyon ni Serene.

“Papasok? Papasok ka sa eskwelahan?” pag-uulit nito sa isang mariin na tono bago hinagis sa sahig ang hawak niyang libro. Napapitlag si Serene dahil doon. “Hindi ba ay napag-usapan na natin ito? Titigil ka na sa pag-aaral. Marunong ka naman nang magbasa at magsulat. Bakit ba gusto mo pang pumasok sa lintik na eskuwelahan na iyan?”

Hinilot ni Felix ang sentido habang nakapikit. Hindi naman sa pinagkakaitan nila si Serene ng edukasyon, ngunit para sa kanila ni Demi, isa lamang itong pag-aaksaya ng oras. High school graduate si Demi, ngunit nahirapan pa rin ito sa paghahanap ng trabaho.

Ayaw lang nilang umasa rin ang kanilang anak na giginhawa ang kanilang buhay kapag nakapagtapos siya ng pag-aaral.

Ayaw nilang maranasan ng anak ang paghihirap na naranasan nila dahil sa malupit na mundo… lalo na sa mahihirap na taong katulad nila, at lalo na sa mga taong may busilak na kalooban at pag-asa sa lahat ng bagay kagaya ni Serene.

“Pero itay, grade three na po ako,” nagsusumao nitong saad. Pabagsak na rin ang luha nito pero kinagat niya ang pang-ibabang labi upang pigilan ito.

Hindi nakaligtas sa paningin ni Serene ang masamang tingin na ipinupukaw sa kan’ya ng ama. Halatang hindi nito nagugustuhan ang bawat salitang lumalabas sa kan’yang bibig. Inaasahan naman niya ang pagkontra ng ama, at lalo na ng kan’yang ina.

Ang kan’yang ina na palaging nagsasabi na walang kuwenta ang edukasyon.

Hindi niya alam kung ano ang naranasan ng kan’yang mga magulang para kamuhian nila nang husto ang pag-aaral, ngunit kahit ano pa man ang pagsubok na pagdaanan niya ngayon, hindi siya susuko. 

Nakatanim na sa isipan ni Serene na magtatapos siya ng pag-aaral, at makakaahon sila sa kahirapan kapag nangyari iyon.

Hindi na rin kami maaapi pa ng ibang tao.

“Gusto kong mag-aral, itay.” May paninindigan sa boses ni Serene. “H’wag po kayong mag-alala, dahil may uniporme naman na po ako. Nahingi ko po sa kaklase ko!” aniya habang abot-tainga ang ngiti.

Halata sa kilos ni Serene ang kagalakan dahil nakagawa siya ng paraan upang magkaroon ng sariling uniporme. Mayroon na rin siyang tatlong notebook at isang lapis na ibinigay din sa kan’ya ng mga kaklase.

Nagsabi kasi si Serene na baka ay hindi siya makasabay sa pagpasok ngayong grade three na sila, kaya gumawa ang mga kaklase niya ng paraan para sa mga kulang niyang gamit. Ganoon din ang ginawa ng mga ito sa kan’yang libro.

Sa Barangay Poblacion pumasok si Serene dahil ayaw siyang tanggapin ng mga ka-baryo sa kanilang eskuwelahan. Baka raw kasi ay mahawaan pa ni Serene ng karumihan ang iilang estudyante roon. 

Noon ay hindi niya pa naiintindihan ang ibig nilang sabihin, pero hindi rin nagtagal ay alam na niya kung bakit ganoon ang sinasabi ng iba sa kan’ya.

Dahil mahirap lamang sila.

Kung hindi siya nagkakamali, sila ang pinakamahirap sa baryo nila. Sila lang ang bukod-tanging pamilya na walang sariling bahay at nakatira lang sa isang bahay-kubo malapit sa dagat.

Wala naman silang magagawa roon. Kailangan nilang mabuhay. Tinitiis nila ang lahat ng panlalait ng ibang tao upang mabuhay at mairaos ang bawat araw na tila ay isang palahok para sa kanila.

Sunod-sunod ang pagsubok. Ni hindi man lang sila binibigyan ng oras upang makapagpahinga man lang. Pagkatapos ng isang problema, may panibagong problema naman ang parating.

“Mabait sila, itay. Handa nila akong tulungan,” dagdag pang pangungumbinsi ni Serene, ngunit hindi pa rin kumikibo ang kan’yang ama. Nakatulala lang ito habang nakatitig sa pader.

Laking pasasalamat lang din ni Serene dahil ang mga kaklase niya sa kabilang baryo ay mabait at mapagkumbaba. Walang pakialam ang mga ito kung mahirap lang siya. Ni hindi siya itinuring ng mga kaklase na ibang tao dahil lang sa estado niya sa buhay.

Hindi man niya kaibigan ang lahat ng kaklase, pero masaya pa rin siya dahil kahit papaano ay naramdaman niya rin na kabilang siya sa isang grupo. Dapat ay naramdaman niya iyon sa kan’yang mga ka-baryo, kaya naman masakit para kay Serene na sila pa mismo ang humihila sa kanila pababa.

At kung sino pa ang hindi nila ka-baryo, tulad ng kan’yang mga guro at kaklase, ay iyon pa ang mga tumutulong sa kan’ya upang mairaos ang pag-aaral niya. Iyon ang isa sa dahilan kung bakit gustong-gusto nito ang mag-aral.

Hindi naging hadlang sa kan’ya ang layo ng eskuwelahan sa kanilang bahay. Kailangan man niyang sumakay ng bangka upang makarating sa kabilang baryo ay wala siyang pakialam. Kakayanin niya ang lahat. Ganoon katatag ang kan’yang determinasyon.

Kahit sa murang edad ay nakakagawa siya ng paraan upang makatulong at hindi na makaabala pa sa kan’yang pamilya— ang pamilya na siya ring tumututol sa pag-aaral niya.

“Ngunit pangako po, bago ako pumasok ay aasikasuhin ko po muna ang lahat! Maghahanda po ako ng pagkain at maglilinis ng bahay—“

“Kung kaya mo pala gumawa ng paraan para sa pag-aaral mo, bakit hindi na lang ang mga utang natin ang diskartehan mo?! Hindi ka nag-iisip!”

Isang patak ang luha ang nalaglag mula sa mata ni Serene nang marinig ang mga katagang iyon mula sa sariling ama. Kasabay noon ang unti-unting pagsakit ng puso niya. 

Napayuko na lamang siya habang pinipigilan ang sarili na umiyak nang husto. Ganoon pa man, rinig sa bawat sulok ng silid ang kan’yang mumunting paghikbi.

Bakit… parang kasalanan niya pa ang mga nangyayari ngayon sa kan’yang pamilya?

Bakit kailangan na naman niyang saluhin kung ano man ang pinoproblema ngayon ng mga magulang niya?

Kailangan ko na naman bang magsakripisyo?

Ginawa naman na niya ang lahat ng bagay na maaaring makatulong sa kan’yang mga magulang, ngunit bakit hindi pa rin ata sapat ito para sa kanila?

Talaga bang kailangan niya munang magmakaawa nang husto bago magawa ang gusto niya sa buhay? Pag-aaral naman ang nais niyang gawin. Hindi naman ito masama sa mata ng tao at lalo na sa mata ng Diyos. Gusto lang naman niyang gumawa ng paraan para makaahon sila sa kahirapan.

Kaya, bakit? Bakit ayaw siyang payagan ng ama? At siya pa ang hindi nag-iisip?

Hindi niya maintindihan kung bakit hindi sila puwedeng lumaban sa mga taong walang ibang ginawa kung hindi ang alipustahin sila. Ano ba ang nagawa nilang kasalanan para ganituhin sila ng ibang tao?

Maraming tumatakbo sa utak ni Serene. Marami rin siyang gustong itanong, ngunit tila ay natutop ng masasakit na salita ng kan’yang ama ang boses niya. Mas pinili na lang tuloy niyang kagatin ang kan’yang labi bago yumuko at umupo sa sahig.

Samantala, gustong i-untog ni Felix ang sarili sa sahig dahil sa padalos-dalos nitong salita. Ano’ng klase siyang ama para sabihin sa kan’yang anak na gumawa ito ng paraan para sa pinagkakautangan nila? 

Wala siyang kuwenta. Gusto man niyang humingi ng tawad pero pinangungunahan siya ng hiya, lalo pa nga at nakikita niya ang pagpatak ng mga luha ni Serene sa sahig.

Pero kahit kailan, hindi niya pagsisisihan ang desisyong huwag nang papasukin si Serene. Mas mabuti nang ngayon siya masaktan kasya naman patagalin pa nila ito.

Kilala niya ang anak. Kahit na magkaaway sila ay hindi iyon aalis at magdadabog sa harapan niya. Natutuhan daw iyon ni Serene sa kanilang paaralan. Iba naman ‘yon sa kan’yang karanasan, dahil noong nasa elementarya siya ay naging tampulan siya ng tukso, maging ng kan’yang mga guro.

Bumuntong-hininga na lang si Felix at siya na ang nagkusang lumabas ng kubo.

TATLUMPUNG minuto ang lumipas bago nagawang tumayo ni Serene sa kinauupuan at pinunasan ang kan’yang mga luha. Nakatayo siya pero hindi siya kaagad nakakilos. Tila ay dumikit ang dalawa niyang paa sa sahig.

Alam niya sa sarili na kailangan niyang ilabas ang lahat ng hinanakit sa kan’yang puso. Kapag hindi niya iyon ginawa, tiyak ay sasabog siya.

Sa mga oras na iyon ay tumakbo si Serene palabas ng kubo at pinagmasdan ang dagat. Ito ang nagpapakalma sa kan’ya kapag tila ay nagsisimulang gumulo ang mundo niya. 

Kasabay ng pag-alon sa dagat ang kan’yang pagsigaw. Ipinarinig niya sa mundo ang kan’yang hinagpis at kalungkutan. Ang mga luha niya ang nagsalita para sa sakit na nararanasan niya.

“Gusto ko lang mag-aral! Bakit ba pati ‘yon ay hindi ko puwedeng gawin?!” paulit-ulit niyang sigaw. Namamaos na siya pero hindi siya tumitigil.

Sa pagod ay tuluyang nanghina ang mga tuhod niya at bumagsak ito sa buhanginan. Nagpatuloy ang kan’yang pag-iyak. Nakapikit siya habang dinadama ang simoy ng hangin at ang tunog ng alon sa dagat.

Kahit papaano ay nagiging payapa ang utak niya dahil doon. Kahit papaano… nakikita pa rin niyang mayroong kapayapaan sa gitna ng kaguluhan.

Hinayaan niya ang mumunting mga hikbi na alurin ng hangin, nagbabaka-sakaling may makarinig sa kan’yang mga daing at tulungan siyang mawala ang sakit sa kan’yang puso, kahit na sa isang saglit.

Ngunit lingid sa kaalaman ni Serene, mayroong isang batang lalaki ang nagmamasid sa kan'ya mula sa malayo... tila ay nakikidalamhati sa kan'ya nang hindi niya nalalaman.

Want to read more? You can read this exclusively on DREAME/YUGTO app!

Post a Comment

0 Comments